Mahirap pa sa daga. Isa ito sa mga kasabihan ng mga Pinoy. At totoo ito, naranasan namin ito. Mahirap ang buhay-daga. Si Mom at Dad mula sa hirap. Kaya naman tuwang-tuwa sila nang sila ampunin ng isang TAO.
Mula sa araw-araw na pangbubungkal sa basurahan para meron silang makain, natatikim sila na tumira sa isang simpleng kulungang alambre. Sa loob ng aming alambreng dampa, meron tubig at pagkain na bigay ng TAO. Hindi na sila natutulog ng gutom at naging malusog sina Mom at Dad. At ng uminit ang silakbo ng kanilang mga damdamin, nabuo kaming 5 magkakapatid. Nang isilang kami ni Mom, unang lumabas ang kambal na sina Tik at Boy, sumunod ang kambal na si Sha at Ron, at ako ang bunso.
Tuwang-tuwa ang TAO nang makitang nanganak na si Mom. Nagalit si Dad sa TAO kasi maya’t maya ay nakikita niya ang higanteng mata nito na pasilip-silip sa aming alambreng bahay. Pero napawi rin agad ang galit niya nang pakainin sila ng TAO ng mga pira-pirasong gulay at matamis na balat ng ipol (yun daw ang tawag ng maid ng TAO sa prutas).
Dahil ako ang bunso at pinakamaliit, nanggigil sa akin ang bunso ng TAO. Kinuha niya ako at nilagay sa kanyang palad. Dahil sa kanyang ginawa, nabahiran ako ng amoy-TAO. Kaya nang binalik niya ako sa loob ng alambreng dampa namin, hindi na ako nakilala ng mga magulang namin kasi hindi na ako amoy-daga kundi amoy-TAO na. Kahit ang apat kong mga kapatid ay hindi na ako nakilala. Si Mom hindi na ako pinasuso at si Dad naman ay binitbit ako palayo sa aming pugad na gawa sa mga pinilas na papel.
Sa gutom ko ay lagi akong umiibik. Narinig yun ng TAO at ako’y kanyang pinainom ng gatas na hindi singlasa ng gatas ni Mom. Nagpasiya ang TAO na ihiwalay ako sa aking pamilya at itinira sa isang maliit na alambreng condominium kasi kung hindi niya gagawin yun, mamatay ako sa gutom o kaya mapipilitan sina Mom at Dad na patayin ako dahil hindi na nila ako Kapamilya, Kapuso at Kaamoy.
Kaya ang TAO na ang nagpalaki sa akin. At sa TAO ako natuto ng iba’t ibang wika. Ewan ko ba kung bakit lagi akong kinakausap ng TAO at ang pamilya niya. Pati ang driver at maid nila ay kinakausap din ako. Kaya ako naging polyglot mouse kasi maliban sa mousepeak, marunong na akong mag-Tagalog, Bisaya at English. Kaya hayun, halo-halo tuloy ako pag nagsasalita o nagsusulat.
Ang condo ko ay nakapatong sa itaas lang ng alambreng bahay ng pamilya ko. Kaya nung bubuwit na ako, dahil hindi ako pinapansin ng mga kapatid ko, tinityempuhan kong nasa tapat ko sila at binobombahan ko sila ng mga tae ko. Hihihik. Minsan, nagmintis ang pagpuntirya ko at si Mom ang nakatikim ng mabaho kong bomba. Ik-ik-ik.
Isang araw, naligaw sa loob ng bahay ng TAO ang pusa ng kapitbahay. Nakita nito si Ron na sa sobrang likot ay nakalabas ang ulo sa alambre at hindi na makahulagpos dun dahil sa laki ng ulo niya. Kaya sinagpang ng pusa ang ulo niya! Nabulahaw sila sa ibaba dahil sa pagpalahaw ko sa iba’t-ibang wika. Sus Ginoo! Si Ron gipatay sa pussycat! OMG! Saklolohan nyo siya!
Nilibing ang pugot-ulong si Ron ng bunso ng TAO sa ilalim ng bermuda grass sa hardin. Nakita kong malungkot ang aking pamilya pero hindi nila ako pinapansin kasi para sa kanila ako’y isa lang estranghero.
Gustong-gusto ng TAO at pamilya nito na pakainin ako ng kung anu-ano. Kaya pagkatapos ng kainan, takbo agad ako sa wheel ko para mag-work-out.
Mabait ang TAO at kanyang pamilya sa amin. Pag binibilhan ako ng mga laruan ng TAO pati sina Mom at Dad at mga kapatid ay may mga laruan din. Kaya lang, akala nila makakain ang mga ito. Kaya wala pang isang minuto ay sira na ang kanilang mga laruan dahil sa walang patumanggang pagngatngat nila dito.
Ako naman maingat sa gamit, kaya halos mapuno ang aking condo ng mga laruan. Pinakapaborito ko sa lahat ang teddy bear ko. Kasing-cute ko kasi. Ik-ik-ik. Kaya kahit saan ako gumala sa aking condo ay bitbit ko si Teddy. Para tuloy akong si Mr. Bean na paboritong TV show ng bunso ng TAO. Parekoy ko si bunso kaya kung anong ginagawa niya, ginagaya ko. Pag inaakyat niya ang puno ng atis sa likuran, ako akyat-baba rin sa alambre ng condo ko, bitbit syempre si Teddy! Ik-ik-ik.
Kasama rin ako pag tinuturuan si bunso ng nanay niya. Minsan, nagulat ako kasi nalaman ko kung ano talaga ako dahil sa lesson ni bunso. Pangngalan o noun ang paksa ng homework niya at tinatanong siya ng kanyang nanay kung ano ang mga nakasulat sa kanyang notebook. “Tatay?” “Tao.” “Gensan?” “Lugar.” “Kotse?” “Bagay.” “Daga?” (sabay turo sa aking pamilya) “Hayop.” “Si Anynomouse?” Sigaw ni bunso: “Di-tiyak!” Ik-ik-ik.